Critical na pagsusuri sa Florante at Laura


Ang pamagat ng akda na ating susuriin ay ang Florante at Laura. Ang akdang ito ay isang piksyon at patulang panitikan na isinulat ni Francisco "Kiko" Baltazar. Si Francisco Baltazar ay isang makatang nagmula sa Panginay, Bigaa. Siya rin ay umakyat sa pinakamataas na luklukan ng mga manunulat ng Pilipino, nakapag-aral ng kanones, batas sa pananampalataya, naging bangtog na mandudula, naging Mayor at Huwes de Sementera sa Udyong, Bataan, at nahirang na dalubhasa sa hukuman ng nabanggit na lalawigan.

Ang kahalagahan ng akdang ito ang siyang rason kung bakit hindi dapat natin isabahala ang awit na ito. Itong Florante at Laura ay maraming maituturong aral sa atin at mabibigyan pa tayo ng pahiwatig sa kung ano ang nangyari sa kasaysayan noong sinakop ng mga Kastila ang mga Pilipino.

Ang Florante at Laura, mahigit sa katipunan ng lahat ng mga saynete, komedya, at ibá pang tulang sinulat ni Francisco Balagtas, ay siyáng napagtiningan ng diwa niyang pasuwail sa kalakaran ng panahon at ng kaniyang damdaming mapanghimagsik laban sa mga tuwás na kaugaliang naghahari noon sa tinubuan niyang lupa. 

Apat na uri at layon ng paghihimagsik ang súkat mahango sa awit na Florante at Laura: 
  1.    Himagsik laban sa malupit na pamahalaan; 
  2.    Himagsik laban sa hidwang pananampalataya; 
  3.    Himagsik laban sa mga malîng kaugalian; at 
  4.    Himagsik laban sa mababàng uri ng panitikan. 


Ang pamahalaan at simbahan, dalawa man sa pangalan ay iisa sa turing at sa kapangyarihan. Kung maminsan-minsang nagkakahidwaan ang dalawa, ang simbahan ang siyáng nakapangyayari at nagwawaging karaniwan. At noo’y walang maaaring sampalatayaanang relihiyon ang mga mamamayan, kundi tanging ang Iglesya Katolika Apostolika Romana, na siyáng kinikilála ng pamahalaang “religión oficial del estado.” Dahil dito, anumang aklat, pahayagan, at ibá pang uri ng mga limbag na babasahín, ay hindi maaaring maikálat kung yarì rito, 28 o makapások kung yarì sa labas, nang di magdarran muna sa Censura. Kung mangakaraan na ay kinakailangan pa ring magkapahintulot at magkatatak ng tinatawag na “gobierno civil” at ng “gobierno ecleciastico.” Aklat na lumabas nang wala ng alinman sa mga pahintulot at tatak nilá ay naipapalagay na “kontrabando,” at ang kusang bumása ay napapalagay namang nakagawa ng “pekado mortal,” at kaipala’y maging “excomulgado” pa.

Anong dalî nating lumimot sa mga kaapihan at magmahal sa mga umapi, nang kaipala’y mahigit pa sa rating pagmamahal! Dito sa Filipinas, nakakapagparagdag pa sa mga katutubo nang poot ng Español tungkol sa Moro, iyang katigasan ng loob at katapangan ng mga taga-Mindanao at Jolo sa pagtanggi sa relihiyong Katolika at sa paglalaban nang ubos-káya sa balanang sasalakay at aagaw sa kaniláng lupa, pananampalataya at kalayàan. Nakatagal nang mahigit tatlong dantaon ang kapangyarihan ng España at ng Roma dito sa Filipinas, ngunit di nilá natamong mapasuko at mapasamba sa relihiyon nilá, ni mapasunod sa mga batas at pag-uugaling binyagan at makadayuhan na niyakap agad ng mga Filipino sa Visayas at Luzon.


Ang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya ay ipinaloob ni Balagtas sa kaniyang akda upang maghimagsik laban sa mga Kastila at patunayan na ang mga tao ay mali sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa pananampalataya. Ang ating bansa ay isinakop ng mga Kastila noon, at sa mga panahong iyon, ipinalaganap nila ang relihiyong Kristiyanismo sa ating bansa. At sa mga panahon ding iyon, ikinulong ng mga Kastila ang mga Pilipino sa kanilang mga kamay, at pinaniwala nila ang mga Pilipino na ang mga moro noon ay kaaway na magpapahamak sa mga tao, at pinaniwala nila ang mga Pilipino sa estereotipong ang mga Moro'y asal-hayop at wala nang maidudulot na mabuti sa mga tao.

Dito sa "Florante at Laura," ipinakita ni Balagtas na hindi lahat ng moro ay asal-hayop at maituturing na kaaway. Tikis niyang sinalungat at pinabulaanan ang palagay na ang Moro ay di nakakakilála ng Diyos; na ang Moro’y di-marunong ng gawang kabanalan; na ang Moro’y walang kaluluwa’t sumasamba lámang sa mga hayop; na walang batas ng karangalang-asal; na laging taksil sa pakikisáma at ubod ng palamara sa mga kaaway. Ang mga kasamaang ito ay ipinakilála ni Balagtas na di lámang sa mga Moro súkat makita, sapagkat mayroon din, at kaipala’y karaniwan ding gawain ng mga Kristiyano. Na, ang magkakapuwa Kristiyano man ay nagsísiraán din, naglililuhan, at nagpapatayang madalas. Isang halimbawa ay ang karakter sa akdang ito na si Aladin. Si Aladin ay isang morong nagmula sa Persiya. Siya ay napadpad sa gubat kung nasaan ang kawawang binata na si Florante na nangangailangan ng tulong. Si Florante ay isang kristyanong taga-Albanya na ipinatapon ni Konde Adolfo sa gubat na iyon. Ang kaniyang bugbog na katawan ay iginapos sa puno ng higera. Sa mga oras na iyon, nakita niya na lang ang kaniyang sarili na nasa binggit ng kamatayan. At sa sandali ring iyon ay nakarinig si Aladin ng tunog na umaalingawngaw, kaya'y tinunton niya ang pinanggalingan ng tunog na iyon. Nakita ni Aladin ang nakagapos na si Florante na akmang kakainin na ng dalawang leon. Walang pag-aalinlangan niyang pinatay ang mababangis na hayop at tinulungan si Florante na kalasin ang pagkakatali ni Florante sa puno.

Sa parteng ito ng akda, tinuruan tayo ni Balagtas na kahit magkaiba man ang ating pananampalataya, iisang utos ng langit pa rin ang ating sinusunod. Kung kaya, kahit si Aladin ay isang moro at si Florante naman ay isang kristyano, hindi nagdalawang-isip si Aladin na tulungan si Florante. Ipinaalala sa atin ng may-akda, na kahit magkaiba ang relihiyon o ang pananampalataya natin, hindi dapat ito maging hadlang upang makatulong sa ating kapwang nangangailangan. Ito ay isang gintong leksyon na itinuro sa atin ni Francisco Balagtas na ating dapat alalahanin magpakailanman.

Sina Haring Linceo at anak niyang dalagang Prinsesa Laura; sina Duke Briseo at anak niyang binatang Florante, at si Konde Adolfong pinsan ni Florante, ay para-parang mga Kristiyano; datapwat silá-silá na rin ang nagtaksilan. Inagaw ni Adolfo ang korona at trono ng Haring Linceo, at pinatay pa ito, pati si Duke Briseo. Pinaghandaan ding patayin si Florante upang maagaw ang kasintahan nitóng si Laura; pinag-akalaan itong dahasan ng puri. Silá’y para-para ngang mga Kristiyano, magkababayan, magkakamag-anak pa, at katutubong mga kaaway at kadigmaan ng mga Moro. Subalit, sino ang nagligtas sa binyagang si Florante na ipinatápo’t ipinagápos ng kapuwa niya binyagan at pinsang si Adolfo, nang sa pagkagapos ay darakmain na lámang ng dalawang halimaw (hayop na leong sagisag pa man ng España), sino nga ang nagligtas at nagyaman kay Florante upang panaulian ng hininga’t lakas?—Isang Persiyanong Moro, ang mahigpit pa niyang kalabang si Prinsipe Aladin! At sino naman ang nagligtas ng puri at búhay ng binyagang Prinsesa Laura, nang oras na ginagahasa ng kapuwa binyagang Konde Adolfo?—Isa namang Mora, si Prinsesa Flerida, na siyáng pumanà at nakapatay sa gumagahasa.

Ang “ley natural” o batas ng katalagáhan sa pagsasamahán at pagmamahálan ng magkakapuwa-tao ay ipinakita ng dalawang magkasintahang Moro at Mora na nása ibabaw ng mga batas ng alinmang relihiyon; na sa mga hindi man Kristiyano ay may Diyos ding nangangalaga at nagtuturo ng mga gawang kabanalan, ng pagkakawanggawa at ng pagdamay sa kapuwa-táong naaapi at nása kapahamakang lagay; na sa oras ng mga kapanganiban ng búhay ay di kailangan ng magliligtas na usisain pa o uriin muna kung ang nása panganib ay kalahi o hindi, kaaway o kaibigan, kapuwa binyagan o hindi.

Ang Florante at Laura ay nararapat na pag-aralan sapagkat tumutukoy ito sa mga maraming aspeto ng pamumuhay sa lipunan. Isang obra-maestra ni Francisco Baltasar na kilala din bilang Balagtas, isinulat niya ito sa loob ng kulungan. Punong puno ng pighati at pag-asa, sinasalamin ng mahabang tula o awit na ito ang tunay na nagananap sa buhay ng Pilipino noon man hanggang ngayon. Sa kalahatan ng Florante at Laura, tinuturing ni Balagtas ang mga iba’t ibang mga suliranin na bansa nating tulad ng laban ng Moro at Christiano, ang mga banyaga na nang-abuso sa atin at ang kurakot na gobyerno. Bagama’t ito’y nakapaloob sa kasaysayan ng pag-ibig, nababahid ng maraming pagsubok ang pagmamahalan ng Florante at Laura.

Ang Florante at Laura ay mahalaga rin sa pag-unawa sa kasaysayan ng ating sariling bansa.  Dahil, sa literaturang tulad nito, namulat ang mga Pilipino sa katotohanan. Nalaman natin na ang pinapakita sa atin ng mga banyagang Espanyol at Americano noong sila’y naririto sa ating bansa ay mapagbalatkayo. Napukaw ang talas ng sining sa tunay na hangarin ng mga banyaga sa kwento ni Florante at Laura.






Mga Sanggunian:

Villanueva, P. R., & Balagtas, F. (1999). Florante at Laura: Isang Bagong Nobela. Quezon City,: Marren Publishing House.

Santos, L. K. (2016). Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas at Ibá pang Sanaysay (V. S. Almario & R. T. Glory, Eds.). Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.

Solivien, V. (2012). Aralin Pa Rin: Florante at Laura. Nakuha mula sa https://vsoliven144.wordpress.com/2012/02/09/aralin-pa-rin-florante-at-laura/



Comments

Popular posts from this blog

Himagsik Laban sa Hidwaang Pananampalataya